-
Blog

Ano ang Chronic Kidney Disease?

Ano ang Chronic Renal Failure/Chronic Kidney Disease???

Ang ating mga kidney ay nagsisilbing taga-linis ng ating dugo, at ang mga dumi ng ating katawan ay inilalabas sa ihi. Ang ating mga kidney rin ang nagkokontrol ng asin at mga mineral (sodium, potassium, calcium), asido, gayundin ang balanse ng tubig sa ating katawan.

Kapag biglaan o unti-unting humina ang mga gawaing ito ng ating mga kidney, nagkakaroon ang isang tao ng tinatawag na “kidney failure”. 


Paano nalalaman kung ang isang tao ay may “Kidney Failure”?

Kapag nanghina ang mga kidney, tumataas ang antas ng Blood Urea Nitrogen (BUN) at creatinine sa dugo. Nagiging abnormal din ang tinatawag na estimated Glomerular Filtration Rate o eGFR, na nasusukat sa pamamagitan ng isang formula na batay sa creatinine.

Dapat tandaan na kahit sa kaunting pagtaas lamang ng antas ng creatinine ay maaaring nagpapahiwatig na ng matinding paghina ng kidney (halimbawa, kahitang creatinine na 1.6 mg/dLlamang ay maaaring magsaad ng 50% na panghihina ng mga kidney).

Ayon kay Dr. Dona Marzan(CARD MRI e-Doctor) "nakakasira po ng kidney yung mga gamot na ginagamit natin sa mga sakit tulad ng ibuprofen, mefenamic acid, at ibang klase ng mga gamot para sa pain, at ito po ay binibili ng may reseta ng doctor."


Mabisang paraan para mapanatili ang kalusugan ng mga Kidney

Ang sakit sa kidney tulad ng Chronic Kidney Disease (CKD) ay tahimik lamang (wala gaanong sintomas) ngunit nakamamatay kapag hindi nalunasan nang maaga. Ito ay maaaring humantong sa tuluyang paghina ng mga kidney at pangangailangan ng dialysis o kidney transplant. Dahil hindi lahat ay nakapagpapa-dialysis o nakakukuha ng kidney transplant, at dahil na rin sa kamahalan nito, hanggang 5-10% lamang ng mga may CKD ang tuluyang nagagamot. Kaya’t napakahalagang maiwasan ito sa simula pa lamang. Kung ito’y maagang matutuklasan at magagamot, maaaring maiwasan o mapabagal ang paglubha ng ganitong uri ng sakit sa kidney.

Paano maiiwasan ang sakit sa kidney?

Unang-una, huwag na huwag ipagwalang-bahala ang sakit sa kidney. Narito ang ilang mga maaaring gawin upang maiwasan ang sakit sa kidney:

Pitong mabisang paraan upang mapanatili ang kalusugan ng mga kidney:
1. Gawing regular ang pag-eehersisyo

Ang regular na pag-eehersisyo ay nakatutulong nang malaki upang mapanatiling normal ang presyon (blood pressure) at asukal sa dugo (blood sugar), lalo na kung may altapresyon o diabetes.

2. Kumain ng tama at balanseng pagkain

Magbawas sa pagkain ng mga mamantika at matatamis, pati na ng baboy at karne. Sa mga higit 40 taong gulang, matuto ring umiwas sa mga maaalat na pagkain. Ito’y makatutulong sa pag-iwas sa altapresyon at bato sa kidney (kidney stones).

3. Iwasan ang pagtaba

Mangyayari lang ito sa pamamagitan ng wastong pagkain at regular na ehersisyo. Makakatulong itong maiwasan ang sakit sa puso, diabetes at sakit sa kidney.

4. Iwasan ang paninigarilyo

Ang paninigarilyo ay maaaring maging sanhi ng maagang pagbabara ng mga ugat (atherosclerosis) na maaaring makaapekto sa sirkulasyon sa kidney. May mga pag-aaral din na nagsasaad na mas mabilis ang paglala ng sakit sa kidney kapag naninigarilyo ang isang tao.

5. Huwag basta iinom ng mga gamot na nabibili ng walang reseta

Iwasan ang pag-inom ng mga gamot pangrayuma o para sa pananakit na nabibili sa botika ng walang reseta, katulad ng ibuprofen o naproxen. Ang mga gamot na ito ay maaaring makasama sa kidney, lalo na kung panay o tuloy-tuloy ang pag-inom.

6. Uminom palagi ng maraming tubig

Ang pag-inom ng maraming tubig araw-araw, hanggang sa 3 litro sa maghapon, ay maaaring makakatulong sa pag-iwas sa sakit sa kidney, lalo na sa kidney stones.

7. Magpa-“kidneycheck-up” taon-taon

Dahil may mga sakit sa kidney katulad ng CKD na tahimik lamang at walang gaanong sintomas, napakahalaga na magkaroon ng taon-taong “kidney check-up”, lalo na kung may lahi ng sakit sa kidney, diabetes o altapresyon. Ito ay dapat isinasagawa, lalo na kung higit 40 taong gulang na. Kasama sa pagpapatingin sa manggagamot ang pagsasagawa ng urinalysis o eksaminayon ng ihi at blood creatinine level.

Mga dapat gawin kapag may sakit sa Kidney

1. Alamin ang dapat malaman tungkol sa sakit sa kidney at

magpatingin agad sa manggagamot nang maaga Alamin ang mga sintomas ng sakit sa kidney, katulad ng pamamanas ng mukha at katawan, kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, panghihina, pamumutla o pagkakaroon ng protina o dugo sa ihi. Magpatingin agad sa manggagamot kung naghihinalang may sakit sa kidney.

2. Para sa mga may diabetes

Dahil ang diabetes ang pangunahing sanhi ng chronic kidney disease (CKD) sa buong mundo, dapat lang na pag-ingatan ng isang diabetic ang sarili para makaiwas sa pagkakaroon ng “diabetic kidney disease.” Dapat magpasuri ng blood pressure at ihi (urinalysis) bawat 3 buwan. Sa urinalysis makikita kung mayroong protina sa ihi, na isa sa mga pangunahing hudyat na naapektuhan na ng diabetes ang kidney. Maaari ding gawan ng test ang ihi para alamin ang antas ng “microalbuminuria” (ang pagkakaroon ng kaunting dami ng protina sa ihi na hindi nakikita sa normal na urinalysis). Maliban sa mga eksaminayon ng ihi, dapat ginagawan din ng mga pagsusuri sa dugo tulad ng creatinine taon-taon (kasama na rin ang “estimated GFR o Glomerular Filtration Rate” na nagsasabi ng antas ng pagtatrabaho ng kidney). Ang pagkakaroon ng altapresyon, protina sa ihi, pagmamanas, mga biglang pagtaas ng blood sugar o madalas na pagbaba nito kapag naka-insulin, at panlalabo ng paningin ay maaaring nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng “diabetic kidney disease”. Dapat magpatingin agad sa manggagamot kung nakararanas ng mga ganitong sintomas.

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng “diabetic kidney disease”, dapat panatilihing kontrolado ang diabetes at altapresyon. Ang pinakamabisang gamot para sa altapresyon ng isang diabetic ay ang mga “ACE inhibitors o Angiotensin Receptor Blockers (ARBs), dahil ito’y nakapagpapababa rin ng protina sa ihi. Dapat ding pababain ang kolesterol kung mataas sa pamamagitan ng pagkain nang wasto at pag-inom ng gamot. Sumangguni sa manggagamot tungkol sa mga bagay na ito.

3. Para sa mga may altapresyon (high blood pressure)

Ang altapresyon ang pangalawang sanhi ng CKD sa buong mundo. Kadalasan, dahil walang gaanong nararamdaman kahit may altapresyon, hindi tuloy-tuloy na iniinom ang mga gamot o minsan ay itinitigil nang tuluyan ang pag-inom nito. Ito ay lubhang mapanganib, sapagkat maaaring mauwi ito sa mga iba’t ibang komplikasyon ng altapresyon, tulad ng stroke, atake sa puso o CKD.

Upang makaiwas sa pagkakaroon ng sakit sa kidney, lahat ng may altapresyon ay dapat laging magpasuri ng BP, umiwas sa maaalat at matatabang pagkain, at uminom lagi ng pang-araw-araw na gamot. Ang BP ay dapat mapababa sa 130/80. Upang maiwasan at maagapan ang sakit sa kidney na dulot ng altapresyon, dapat ding magpasuri ng ihi at antas ng creatinine sa dugo taon-taon.

4. Para sa mga may CKD

Dahil ang CKD ay hindi na lubusang gumagaling, dapat maagapan ang pagtuklas at paggamot dito upang maiwasan ang mabilis na paglala nito at ang maagang pagdadialysis. Ang mahigpit na pagkontrol ng BP ay nakatutulong nang malaki upang maiwasan ang mabilis na paglala ng sakit sa kidney.

Inirerekomendang panatilihing normal ang BP (130/80 o mas mababa pa). Isang paraan para matupad ito ay ang madalas na pagpapakuha ng BP sa bahay (pagkakaroon ng BP diary). Makatutulong ito sa manggagamot upang malaman kung sapat ang gamot na iniinom ng pasyente.

Sa pasyenteng may CKD, laging dapat malaman kung may mga bagay-bagay na maaaring magpalala rito, tulad ng sobrang pagbaba ng BP (hypotension), kakulangan ng tubig sa katawan (dehydration), bara sa daluyan ng ihi (urinary tract obstruction), matinding impeksiyon (sepsis) mga gamot na maaaring makaapekto sa kidney (nephrotoxic drugs) , at iba pa. Dapat malunasan agad ang mga ito upang mapanatiling “stable” ang pagtatrabaho ng mga kidney.

5. Polycystic Kidney Disease

Ang Autosomal Dominant Polycystic Kidney Disease o ADPKD ay isang uri ng sakit sa kidney na namamana at maaaring maging sanhi ng CKD at tuluyang paghina ng mga kidney. Mga 6-8% ng mga nagdadialysis ay dahil sa sakit na ito. Kapag ang isang tao ay may lahi ng ADPKD, dapat magawan siya ng mga pagsusuri tulad ng kidney ultrasound upang makita ang sakit na ito nang maaga. Wala pang mabisang gamot para dito, subalit maaaring makatulong nang malaki ang wastong pagkokontrol ng altapresyon, paggagamot sa UTI, at wastong pagkain.

6. Impeksiyon sa Ihi (UTI) sa mga Bata

Kapag ang isang bata ay nagkaroon ng di maipaliwanag na lagnat, madalas o masakit na pag-ihi, kawalan ng gana sa pagkain, o di- paglaki/pagtaba, dapat maghinala na may impeksiyon sa ihi ang bata. Ito’y maaaring maging sanhi ng pagkapinsala ng mga kidney, altapresyon, at paghina ng mga kidney o CKD. Ang isang maaaring pagmulan nito ay ang tinatawag na “vesicoureteral reflux” o ang abnormal na daloy ng ihi sa kidney mula sa pantog. Ito ay maaaring maging sanhi ng paulit-ulit na impeksiyon sa ihi. Ito ay sanhi ng 50% ng impeksiyon sa ihi sa mga bata na kailangan ng masusing pagsubaybay.

7. Paulit-ulit na Impeksiyon sa Ihi (UTI) sa mga May Edad

Kapag ang UTI ay paulit-ulit o di na tinatalaban ng antibiotics, dapat alamin kung ano ang sanhi nito, tulad ng bato sa kidney o kung barado ang daluyan ng kidney. Maaaring mapinsala ang mga kidney kapag ito’y napabayaan, at mauwi sa tuluyang pagkasira.

8. Ang Paglaki ng Prostate ng Lalaki (Benign Prostatic Hyperplasia o BPH)

Ang pagkakaroon ng BPH ng isang lalaki ay di dapat ipagwalangbahala. Maraming kalalakihan ang nag-aakalang ito’y normal na nangyayari kapag tumatanda, kaya hindi ipinapagamot. Maaaring maging sanhi rin ito ng unti-unting paghina ng mga kidney.

9. Huwag ipagwalang-bahala ang altapresyon sa mga bata

Ang pagkakaroon ng altapresyon sa pagkabata ay hindi pangkaraniwan. Ang sakit sa kidney ay isa sa maaaring pagmulan nito, kaya dapat sinusuring mabuti kung may mga palatandaan ng sakit sa kidney. Kung hindi maaagapan, maaaring humantong ito sa tuluyang paghina ng mga kidney.

10. Ang maagang paggamot sa Acute Kidney Injury/ Acute Renal Failure (AKI/ ARF)

Maraming iba’t ibang uri ng sakit na nagdudulot ng AKI tulad ng mga impeksiyon (halimbawa, malaria o leptospirosis), pagsusuka at pagtatae, pagbaba ng presyon (hypotension), at mga gamot na maaaring makaapekto sa kidney tulad ng mga gamot para sa pananakit ng buto at kalamnan (NSAID). Dapat malaman ang posibleng sanhi ng biglaang paghina ng kidney upang hindi mauwi sa tuluyang pagkasira.

11. Maingat na pag-inom ng gamot

Iwasan ang pag-inom ng mga hindi iniresetang gamot para sa rayuma o pananakit ng katawan at kalamnan, pati na rin ang mga “herbal medicines” at “food supplements” kahit ito pa man ay naririnig sa radyo o telebisyon. Ang mga ito ay maaaring makasira sa kidney lalo na sa matatanda. Mas mabuting uminom ng mga gamot na inireseta ng inyong manggagamot.

12. Mag-ingat kung iisa na lamang ang kidney (“solitary functioning kidney”)

Kung ang isang tao ay isa na lamang ang kidney (dahil sa operasyon o ano pa mang sakit sa kidney), dapat itong ingatan. Ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig, pag-iwas sa mga maaalat at mamantikang pagkain, at sa sobrang karne. Ingatang huwag masaktan ang nag-iisang kidney. Ang pinakamahalaga ay magpa-check-up taon-taon upang masubaybayan ang presyon ng dugo at eksaminasyon ng ihi at dugo para sa antas ng creatinine. Maaaring kailanganing magpaultrasound din ng kidney

Submit a Comment